Ngayong modernong panahon, makikitang umuusbong ang teknolohiya saan mang sulok ng mundo. Dahil sa pag-usbong ng teknolohiya, nagkaroon ng Internet at social media. Ang Internet ay ang mga magkakabit na mga computer network na maaaring gamitin ng mga tao sa buong mundo. Naipapadala ang mga datos sa pamamagitan ng packet switching na gamit ang inayunang pamantayan na Internet Protocol (IP). Samantalang ang social media naman ay tumutukoy sa sistema ng pakikipag-ugnayan sa mga tao na kung saan sila ay lumilikha, nagbabahagi at nakikipagpalitan ng impormasyon at mga ideya sa isang virtual na komunidad at mga network.
Ang mga kabataan ngayon ay hinding-hindi magpapahuli sa Internet at sa paggamit ng mga social media gaya ng Twitter, Facebook, Instagram, at iba pa. Dagdag pa rito, ang social media at Internet ay may napakahalagang papel sa akademikong pagganap ng mga mag-aaral. Sa pamamagitan ng Internet, ang mga estudyante ay mas mabilis nang makakahanap ng mga impormasyon at kumalap ng mga datos.
MAKABAGO AT MALIKHAING PARAAN NG PAGKATUTO
Ang Google ay isang kilalang site na naglalaman ng iba’t ibang mga impormasyon ukol sa iba’t ibang paksa. Higit nitong mapauunlad ang pagsasaliksik ng mga mag-aaral ukol sa paksang kanilang kailangang maintindihan dahil unang una ay nakakatipid ito ng oras. Kung kinakailangan mo lamang makakuha ng maikling impormasyon, iminumungkahi kong gamitin mo na lamang ang site na ito dahil sa mabilis na pagkuha ng impormasyon kaysa dumalaw ka pa ng silid-aklatan. Tiyak na makakakain ng oras ang pagpunta sa silid-aklatan kung ang nais mo lamang ay makakuha ng maikling impormasyon tungkol sa paksa na iyong kailangang talakayin o pag-aralan. Pangalawa, sa tulong din nito ay may makakita ka rin ng mga litrato upang mas maintindihan ang iyong sinasaliksik. Pangatlo, may mga sanggunian sa site na ito na mula sa mga kilala at bihasang tao na makatutulong sa kredibilidad ng iyong impormasyon.
Kung gusto mo pang mas mapaunlad ang iyong pagkatuto, ang YouTube ay isang mabisang site upang higit na matutunan at mapalalim pa ang iyong kaalaman. Sa tulong nito, may mga tutorial videos o educational vlog na mula sa mga propesyonal na tao upang ibahagi ang kanilang kaalaman at upang makatulong sa nga estudyanteng nahihirapan sa kanilang aralin. Hindi lamang mga numero at mga letra na kaugnay sa Matematika o Agham ang maaring makita sa mga educational vlog. Isa pang paraan ng pagkatuto ay ang mga tutorial ng iba’t ibang paggamit ng mga instrumento. Hindi lamang ito para sa akademikong pag-aaral bagkus ay mahahasa rin nito ang abilidad at talento ng mga taong nag-aaral nito. Ang YouTube ay walang pinipiling edad para matuto. May mga nakalaang video tungkol sa mga pangunahing kaalaman na pambata pati na rin sa mga kabataan lalung-lalo na sa sekondaryang lebel ng pag-aaral. Bukod pa rito, maaari mo ring matunghayan ang mga makeup tutorial na maaaring makatulong pa lalo sa mga mag-aaral na nag-aaral ng Cosmetology pati na rin sa mga taong may hilig sa pag-aayos na matututo nang libre at mabilisan.
DALUYAN NG KOMUNIKASYON AT KAMALAYAN
Sa kabilang banda, ang Messenger naman ang nagiging daan ng komunikasyon ng mga mag-aaral upang talakayin ang mga ideya at upang mapag-usapan ang ibang mga kailangan sa proyekto. Ang Facebook naman ay maaaring maging paraan upang madaling makapagbahagi ng kaaalaman at kamalayan ng mga nangyayari sa paligid. Hindi maitatanggi na karamihan sa mga mag-aaral ay mas pinipiling gamitin ang Twitter kaysa sa Facebook. Hindi rin maitatanggi na ang Twitter at Facebook ay nagbibigay rin ng kaunting impormasyon tungkol sa mga kasalukuyang pangyayari. Dahil dito, nagiging mulat ang mga mag-aaral sa iba’t ibang pangyayari sa bansa pati sa mundo.
PAGHAHASA NG KAALAMAN
Sa isang banda, sa pamamagitan din ng Internet ay nakabubuo ng opisyal na site ang paaralan upang magtalaga ng mga aralin at pagsusulit makatutulong upang mahasa ang talino at kaalaman ng mga mag-aaral. Sa tulong nito, ay madali nang makapagrepaso ang mga estudyante na kailangan nila lalung-lalo na kapag malapit na ang eksaminasyon.
RESPONSIBILIDAD
Samakatwid, nakadepende ang paglago at pagganap ng mga social media sa Internet dahil ang Internet ang nagsisilbing gasolina upang umandar ang mga ito sa takbo ng makabagong panahon. Kung walang Internet, wala ring social media. Kung hindi rin umusbong ang ganitong makabagong paraan sa akademikong pagkatuto, hindi natin mapapalawak ang ating kaalaman at kamalayan. Ngunit, kahit naibigay na ng Internet at Social Media ang ating mga kailangan sa pag-aaral, mas mainam na tandaan na gamitin ito sa mabuting paraan na hindi tayo makakagawa ng masama o simpleng pagkuha ng mga impormasyon nang walang pagbanggit sa sanggunian na kinuhanan. Kahit man ordinaryong tao ka sa likod ng kompyuter o social media account na gamit mo, huwag mong abusuhin ang paggamit nito na makasisira ng reputasyon ng iba at higit sa lahat ay makasisira ng iyong kalusugan sapagkat marami na ang mabilis malulong sa paggamit nito na nagdudulot ng iba’t ibang sakit sa katawan.
Sanggunian:
https://tl.wikipedia.org/wiki/Internethttps://www.scribd.com/document/338636749/Ano-Ang-Social-Mediahttps://www.google.com.ph/search?q=internet+at+social+media+communication&tbm=isch&ved=2ahUKEwjQ2MKBh5reAhWKC7wKHbMAA1YQ2-cCegQIABAC&oq=internet+at+social+media+communication&gs_l=mobile-gws-wiz-img.3…64022.66724..67109…0.0..0.287.2303.0j13j1……0….1………0i30j0i5i30j33i10j30i10.1fASyNcz1fw&ei=OsPNW9DTE4qX8AWzgYywBQ&client=ms-android-samsung&prmd=inv&biw=360&bih=560#imgrc=G9gdr0UynLXe8M&imgdii=_LbtUdvdXwmUMMhttps://www.google.com.ph/search?q=internet+at+social+media&client=ms-android-samsung&prmd=inv&source=lnms&tbm=isch&sa=X&ved=0ahUKEwi52oeAh5reAhXGE7wKHVE6B_8Q_AUIESgB&biw=360&bih=560https://www.google.com.ph/search?q=aralinks.com&client=ms-android-samsung&prmd=vin&source=lnms&tbm=isch&sa=X&ved=0ahUKEwiP8Pfsh5reAhVIW7wKHWtbAUcQ_AUIEigC&biw=360&bih=560#imgrc=zhCDxl9WCzYYtM
